Ang aking isip ay lumilipad sa kalawakang puno ng mga katanungang mahirap hanapan ng kasagutan. Ang aking damdamin ay pawang lumalangoy taliwas sa agos ng daluyong ng karagatan. Ang diwa ko nama'y sumusunod lamang sa ilawód ng mga pangyayari sa kapaligiran habang ang puso ko ay parang bangkang papel na nakikipagbuno laban sa agos ng ilog tungong irayà.
Hindi ko alam kung saan na nga ba ako patungo. Subalit, patuloy pa rin akong naglalakad sa madilim na daan tangan lamang ang sulô na nagbibigay liwanag sa madilim na kagubatan ng aking magulong kaisipan.
Minsan, naisip kong tumingin sa salamin upang tanungin ang aking sarili. Ako'y nabigo, dahil pawang anino lamang ng kahapon ang aking nasulyapan at hindi ang aking sarili. Pagtanggap ang sumampal sa mukhang manhid sa katotohanang ayaw kong paniwalaan.
Ako'y nagising sa sakit na nadama nang katotohanan. Bumuhos sa katawan ko ang tubig na puno ng yelo na mas lalong pumukaw na nanaginip kong pagkatao. Pagtanggap ng sarili ang bumalot sa katawan ko na gumabay sa naliligaw kong pagkatao.
No comments:
Post a Comment