Ika- 25 ng Pebrero, 1986, tatlong dekada na ang nakararaan nang magtipon-tipon ang maraming Pilipino sa Epifaño de los Santos Avenue (EDSA) upang patalsikin ang noo’y naghaharing diktador, pangulong Ferdinand Marcos na nakilala bilang EDSA People Power Revolution. Sa pangyayaring ito, nangibabaw ang kulay dilaw sa bawat lansangan ng kapuluang nagkakaisa upang wakasan ang diktadoryang naghasik ng karahasan, pangaabuso, at paglalapastangan lalo na sa mga taong lumalaban sa kanyang pamunuan.
Photo by |
Ang mga bagay na ito ang ating parating nariring sa bawat telebisyon at radio tuwing sasapit ang anibersaryo ng EDSA People Power. Sa detalyeng ito ang patuloy na tumatatak sa isip ng sambayanang Pilipino lalo na sa mga bagong henerasyon. May mga bagay na hindi nabibigyang pansin tulad ng “ano nga ba ang mga layunin ng pag-aalsa?” Marami ang magsasabi, “para patalsikin sa pwesto si Marcos”. Ngunit, ito nga lang ba ang tunay na hangarin ng rebolusyon o mas may malalim pa itong mga hangarin?
Sa mga nag-aaral ng kasaysayan, kasama sa mga hangarin ng rebolusyon ay mapaalis ang mga “TRAPO” (traditional politicians) sa pwesto, mapaunlad ang ekonomiya ng bansa, maghari muli ang demokrasya, at matigil ang kaguluhan sa bansa. Ang EDSA People Power ay hindi lamang nangyari para patalsikin ang diktador ng bansa, kundi upang baguhin mismo ang bansa.
Hindi natin maikakaila na tunay ngang nabalot ng kaguluhan ang bayan natin nang pamasailalim tayo sa Batas Militar nang siyam na taon sa pamumuno ni dating Pangulong Marcos. Naghatid ito ng takot sa bawat isa, at libo-libong tao ang nakulong, naparusahan at napatay nang walang kongkretong dahilan. Hindi ito maitatanggi, dahil ito ang tunay na nangyari.
Tatlong dekada na ang nakalilipas, balikan natin ang mga pangako ng rebolusyon, ilan nga ba rito ang naisakatuparan? Ikaw na ang bahalang sumagot.
No comments:
Post a Comment