Paalala sa mga Mambabasa
Ang kuwentong ito ay isang kathang-isip na akda. Ang mga tauhan, lugar, institusyon, pangyayari, at sitwasyong mababasa rito ay bunga ng imahinasyon ng may-akda o ginamit sa paraang pampanitikan. Anumang pagkakatulad sa tunay na tao, buhay man o patay, o sa aktuwal na pangyayari ay hindi sinasadya.
Naglalaman ang kwentong ito ng mga paglalarawan ng matinding sikolohikal na pagkapagod, pagkabalisa, paranoia, depresyon, at iba pang temang maaaring makapagbigay ng hindi komportableng karanasan sa ilang mambabasa.
Bagama't gumagamit ang kuwento ng mga elemento ng kababalaghan at katatakutan, hindi ito naglalayong magbigay ng medikal, sikolohikal, o legal na payo. Ang mga karanasang inilalarawan ng mga tauhan ay bahagi ng salaysay at hindi dapat ituring na paglalarawan ng lahat ng taong dumaranas ng suliranin sa kalusugang pangkaisipan.
Kung ang mga temang nakapaloob sa aklat na ito ay nagdudulot sa iyo ng matinding pagkabalisa o emosyonal na paghihirap, hinihikayat kang unahin ang iyong kapakanan at humingi ng suporta mula sa mga taong pinagkakatiwalaan o mga kwalipikadong propesyonal.
Minsan, ang pinakanakakatakot na halimaw ay hindi ang nasa dilim.
Kundi ang tahimik na boses na paulit-ulit na bumubulong na wala nang pagtutol.
— Patt Familara
Nang Wala Nang Depensa
Tatlumpu’t limang taong gulang si Albert Peñaranda nang mawalan siya ng dalawang bagay sa iisang gabi: ang pangarap niyang maging abogado, at ang huling dahilan para ipagtanggol ang sarili.
Sa loob ng legal department, nakaupo siya sa harap ng kanyang laptop, nakatitig sa nagliliwanag na screen. Matagal nang nanunuyo ang kanyang mga mata. Hindi na niya alam kung ilang oras na siyang hindi kumukurap nang maayos.
Sa gitna ng screen, nandoon ang iisang linyang ilang ulit niyang binasa, umaasang magbabago kapag tinitigan niya nang mas matagal.
Subject: Criminal Law Review.
Final Grade: 5.00 (FAILED).
Status: DISMISSED FROM THE COLLEGE OF LAW.
Limang taon.
Limang taon ng puyat, promissory notes, late submissions, make-up classes, review books na binili nang hulugan, kape sa paper cup, at mga gabing natutulog siya sa bus habang yakap ang makapal na codal sa dibdib.
Limang taon, limas.
Hindi agad siya umiyak. Mas madaling umiyak kapag buo pa ang loob mo. Kay Albert, parang may humigop na lang ng hangin mula sa buong silid. Napuno ng katahimikan ang tenga niya. Nagsimulang manginig ang mga daliri niya sa ibabaw ng keyboard, tila may sariling takot na hindi na dumadaan sa isip.
Bago pa siya makahinga, bumukas ang pinto ng opisina.
Pumasok si Atty. Borja, ang kanilang Head Counsel. May hawak itong makapal na folder. Basa ang gilid ng manggas nito, marahil galing sa ulan sa labas o sa ibang palapag na may sirang aircon. Sa paningin ni Albert, tila bumagal ang lahat: ang pagbukas ng pinto, ang pagpasok ng malamig na hangin, ang paglapag ng folder sa mesa.
“Albert,” sabi ni Atty. Borja.
Hindi ito sumigaw.
Mas masakit iyon.
Itinulak nito ang folder papalapit sa kanya. “Hindi ito puwedeng ipasa.”
Tumingin si Albert sa mga papel. Legal memo. Case summary. Compliance report. Mga pahinang buong gabing niyang inayos, tinadtad ng comments, correction marks, at pulang linya.
“Sir, aayusin ko po,” mahina niyang sabi.
Napabuntong-hininga si Atty. Borja. Hindi galit ang mukha nito. Pagod. Iyon ang lalong nagpabigat sa dibdib ni Albert.
“Hindi na ito unang beses.”
Hindi sumagot si Albert.
“Alas-dos na ng madaling-araw. Kanina pa kita pinapauwi, pero pinilit mong tapusin. Tapos ganito pa rin ang lumabas.” Pinisil ni Atty. Borja ang pagitan ng kanyang mga kilay. “Albert, hindi ko na alam kung paano kita ipagtatanggol.”
Natigilan siya.
Iyon ang linyang tumama.
Hindi dahil sinigawan siya. Hindi dahil pinahiya siya. Kundi dahil sa mundong ginugol niya para matutong gumawa ng depensa, wala nang natitirang depensa para sa kanya.
Gusto niyang sabihin na bumagsak siya. Gusto niyang sabihin na tinanggal na siya sa law school. Gusto niyang sabihin na limang taon niyang hinabol ang isang pinto na ngayon ay isinara sa mukha niya nang walang paliwanag, walang hearing, walang appeal na sapat para baguhin ang resulta.
Pero nakatitig lang siya sa bibig ni Atty. Borja habang patuloy itong gumagalaw.
“Kailangan mong magpahinga,” sabi nito. “O magdesisyon kung kaya mo pa talaga ito.”
Kaya mo pa.
Tumimo ang mga salita sa kanya.
Sa itim na screen ng katabing monitor, nakita ni Albert ang sariling repleksyon. Nakayuko siya, basang-basang tingnan kahit nasa loob naman siya ng opisina, ang mukha ay kupas sa ilaw ng fluorescent.
Pero may mali.
Sa repleksyon, hindi siya nakayuko.
Ang Albert sa monitor ay nakaupo nang tuwid. Maayos ang buhok. Malinis ang suot. Walang kaba sa mata. Nakasuot ito ng mamahaling itim na suit na hindi kailanman kayang bilhin ni Albert. Nakatitig ito sa kanya.
At nakangiti.
Hindi malapad. Hindi garapal.
Kalmado.
Parang taong nanalo na sa kasong hindi pa nasisimulan.
Napapikit si Albert nang mariin.
Pagmulat niya, blanko na ulit ang screen.
“Umuwi ka na,” sabi ni Atty. Borja.
Pagkatapos, lumabas ito ng opisina.
Naiwan si Albert sa tunog ng aircon, sa mahinang pag-click ng keyboard mula sa ibang cubicle, at sa screen na patuloy na nagpapakita ng kanyang pagkabigo.
Hindi niya pinatay ang laptop.
Hindi niya kinuha ang kanyang bag.
Tumayo siya, ang mga binti ay parang manhid na kahoy, at naglakad palabas ng legal department. Walang pumigil sa kanya. Walang nagtanong. Ang mga night-shift na empleyado sa kabilang bahagi ng floor ay nakayuko sa kani-kanilang trabaho, ang mga mukha ay parang mga blangkong maskara na natutong huwag makialam sa pagbagsak ng iba.
Sa elevator, mag-isa siya.
Habang bumababa, napansin niya ang maliit na dilaw na bagay sa sulok ng salamin ng pinto.
Kapote.
O baka reflection lang ng emergency light.
Paglingon niya, wala naman.
Pagbukas ng elevator sa ground floor, sinalubong siya ng amoy ng basang semento at lumang air freshener ng lobby.
Nang makalabas siya ng gusali, bumuhos sa kanya ang nag-aalborotong ulan ng Maynila.
Nagsimula siyang maglakad mula sa madilim na bahagi ng Luneta, binabagtas ang kahabaan ng Taft Avenue patungong EDSA. Wala siyang dalang payong. Wala rin siyang direksyong malinaw. Alam lamang ng katawan niya na kailangan nitong lumayo sa opisina, sa laptop, sa folder, sa grade, sa mukha ni Atty. Borja, sa lahat ng hindi na niya kayang sagutin.
Bumabayo ang malamig na hangin. Bumabaha ang kalsada. Dumidikit ang basang polo sa likod niya, ngunit wala siyang nararamdamang lamig. Tanging ang nakakapasong init sa loob ng dibdib ang naroon, parang may nakabaong uling sa ilalim ng kanyang tadyang.
Isang kilometro.
Dalawang kilometro.
Ang matataas na kongkretong poste ng LRT sa itaas niya ay nagmukhang mga tadyang ng isang higanteng halimaw na nakalunok sa kanya. Sa tuwing kikidlat, humahaba ang mga anino sa semento, at sa bawat anino, nakikita niya ang hugis ng mga lalaking naka-suit, nagtatawanan, tinuturo siya.
Hindi ka pumasa.
Hindi ka sapat.
Hindi ka abogado.
Hindi ka rin magaling sa trabaho.
Sa isang baha sa gilid ng kalsada, may lumutang na piraso ng dilaw.
Tumigil si Albert.
Kapote? Plastic? Basurang tinatangay ng ulan?
Bago niya ito matitigan nang matagal, inanod iyon ng tubig papunta sa kanal.
Nagpatuloy siya.
May naririnig siyang mga yabag sa likuran niya.
Splash.
Splash.
Huminto siya.
Huminto rin ang yabag.
Dahan-dahan siyang lumingon.
Wala.
Mga saradong tindahan. Basang sidewalk. Ilang jeep na dumaraan na halos walang sakay. Mga ilaw na nanginginig sa ulan. Ngunit walang taong sumusunod sa kanya.
Nang ibaling niya ang kanyang paningin sa salamin ng isang saradong botika sa gilid ng Taft, nakita niya muli ang sarili.
Hindi ang basang si Albert.
Ang isa.
Nakatayo ito nang tuwid sa loob ng salamin, suot ang itim na suit, may hawak na briefcase, at naglalakad kasabay niya nang may perpektong tindig. Hindi ito hinihingal. Hindi ito nanginginig. Hindi ito bagsak sa law school. Hindi ito pinagsabihan ng boss.
Tinitigan siya nito mula sa loob ng salamin.
Ngumiti.
Tumakbo si Albert.
Hindi niya alam kung saan. Basta tumakbo siya sa ulan, sa baha, sa ilalim ng LRT, lampas sa mga saradong kainan at madidilim na waiting shed. Nadapa siya sa baha. Sumabit ang tuhod niya sa gilid ng basag na semento. Napaso ang sugat sa putik at tubig-ulan.
Nanginig siya sa takot, sa pagod, at sa kung anong bagay na nagsisimula nang bumuka sa loob ng ulo niya.
Pagtingala niya, napansin niyang pamilyar na ang paligid.
EDSA.
Paanong nangyari iyon?
Ilang oras ba siyang naglakad?
O tumakbo?
O hinila?
Pop.
Namatay ang streetlamp sa likuran niya.
Lumingon siya.
Pop.
Isa pa.
Pop. Pop. Pop.
Serye-seryeng namatay ang mga ilaw sa buong kahabaan ng Taft Avenue, mula sa direksyong pinanggalingan niya, tila isang mabilis na aninong humahabol sa kanya. Ang dilim ay hindi basta bumabagsak. Gumagapang ito. Poste kada poste. Ilaw kada ilaw.
Hanggang sa iisang streetlamp na lamang ang nanatiling buhay.
Sa ilalim nito, ilang hakbang mula sa kanya, may nakatayo.
Isang batang babae.
Nakasuot ito ng matingkad na dilaw na raincoat.
Nakayapak.
Huminto si Albert. Habol ang paghinga niya. Kumakabog ang dibdib niya na parang may kumakatok mula sa loob. Sa gilid ng kanyang labi, may puting bula ng sobrang kaba at pagod.
Tiningnan niya ang relo niya.
Hindi na gumagalaw ang mga kamay nito.
3:17 AM.
Sa paligid ng bata, napansin niyang huminto ang pag-ulan.
Hindi lahat.
Sa lugar lang nila.
Ang mga patak ng tubig ay nakalutang sa hangin, hindi bumabagsak, parang libo-libong maliliit na salaming nakabitin sa dilim. Sa bawat patak, may nakabaligtad na bersyon ng kalsada. Sa bawat patak, may isang maliit na dilaw na nakatingin sa kanya.
Biglang umamoy pormalin.
At nabubulok na papel.
At lumang folder na matagal nang hindi binubuksan.
Walang mata ang bata. Tanging dalawang malalim na itim na butas lamang ang nasa mukha nito, tila humihigop ng liwanag. Ngunit alam ni Albert na tinititigan siya nito. Hindi sa mukha. Hindi sa katawan.
Sa lahat ng natalo niya.
Sa lahat ng hindi niya natapos.
Sa lahat ng hindi niya ipinagtanggol.
Bumuka ang bibig ng bata.
Ang lumabas na boses ay hindi iisang tinig.
Boses iyon ng kanyang ina.
“Anak, kailan ka matatapos?”
Boses ni Atty. Borja.
“Hindi ko na alam kung paano kita ipagtatanggol.”
Boses ng professor niya.
“You are dismissed from the College of Law.”
At huli, boses niya mismo.
Mahina.
Wasak.
“Pagod na ako.”
Pagkatapos, nagsalita ang bata.
“Pagod ka na ba?”
Tumitig si Albert sa kanya.
Sa unang pagkakataon buong gabi, hindi na niya naramdaman ang ulan. Hindi na niya naramdaman ang sugat sa tuhod. Hindi na niya naramdaman ang bigat ng limang taon, ang folder, ang grade, ang opisina, ang kahihiyan, ang pangarap na hindi na kanya.
Ang naramdaman niya ay ginhawa.
Maliit.
Mapanganib.
Parang may wakas.
Akala niya, may nakarinig.
Akala niya, may dumating hindi para husgahan siya, kundi para tapusin ang sakit na hindi niya kayang pangalanan.
“Pagod ka na ba?” ulit ng bata.
May bahagi sa kanya na gustong tumutol.
May bahagi sa kanya na gustong sabihin, Hindi. Kaya ko pa. May motion pa. May appeal pa. May bukas pa. May paraan pa.
Pero wala nang tumayo sa loob niya.
Wala nang abogado.
Wala nang depensa.
Wala nang pagtutol.
“Oo,” bulong ni Albert.
Dahan-dahang lumapit ang bata.
Bawat hakbang nito ay walang ginagawang ingay sa baha. Hindi gumagalaw ang tubig sa ilalim ng mga paa nito. Hindi rin ito nag-iiwan ng bakas.
Tumaas ito ng tiyad.
Ipinikit ni Albert ang kanyang mga mata.
Umaasa sa huling pahinga.
Naramdaman niya ang malamig at basang labi ng bata sa kanyang noo.
Hindi ito halik ng kapayapaan.
May pumasok.
Hindi sa bibig.
Hindi sa balat.
Sa loob ng pagod niya.
At may lumabas na hindi na niya kayang habulin.
Napadilat siya.
Dumilim ang buong paligid, ngunit hindi siya nawalan ng malay. Nakikita pa rin niya ang Taft Avenue, ang EDSA, ang ulan, ang streetlamp, ang batang nakadilaw. Pero parang nanonood na lamang siya mula sa loob ng isang madilim at masikip na kahon.
Sa likod ng sarili niyang mga mata.
Naramdaman niyang tumayo nang tuwid ang kanyang katawan.
Hindi niya iyon ginawa.
Inayos ng sarili niyang mga kamay ang basang kwelyo ng kanyang polo. Pinahid ng hinlalaki ang putik sa gilid ng kanyang pisngi. Itinuwid ang likod. Itinaas ang baba.
Kumilos ang kanyang mukha.
Ngumiti.
Kalmado.
Perpekto.
Ang halimaw sa salamin ay nakapasok na.
Sumigaw si Albert mula sa loob.
Hindi gumalaw ang bibig niya.
Pumihit ang kanyang katawan pabalik sa direksyon ng opisina. Maingat ang hakbang nito. Hindi tulad ng taong tumatakbo sa takot. Hindi tulad ng taong wasak.
Naglakad ito nang may tindig ng taong may pupuntahan.
Sa gilid ng isang saradong tindahan, nakita ni Albert ang kanilang repleksyon.
Ang katawan niya.
Ang mukha niya.
Ang ngiting hindi kanya.
At sa likod nito, ilang hakbang ang layo, nakatayo ang batang babae sa dilaw na raincoat.
Hindi na siya nakangiti.
Nanonood lang.
Sumigaw si Albert muli mula sa loob ng kawalan. Nagmakaawa siya. Nagwala. Tinawag niya ang pangalan niya, ang ina niya, si Atty. Borja, kahit sinong posibleng makarinig.
Ngunit sa labas, tahimik ang kanyang katawan.
Nagpatuloy itong maglakad.
Bumalik ang ulan.
Isa-isang umilaw muli ang mga poste sa likuran niya, na parang walang nangyari, na parang hindi may taong katatapos lamang mawala sa gitna ng kalsada.
Sa loob ng walang-hanggang kadiliman, gising na gising si Albert Peñaranda.
Bilang isang bilanggo sa sariling isip.
Bilang saksi sa katawan niyang umuuwi upang nakawin ang buhay na hindi na niya naipagtanggol.
Sa dulo ng kalsada, may pulang ilaw ang traffic signal.
Huminto ang kanyang katawan.
Naghintay.
Sa loob, sumigaw si Albert.
Walang lumingon.
Walang nakarinig.
Walang tumutol.

No comments:
Post a Comment