Isinulat ni Patrick Familara
Sa isang malaking pulo na makikita sa malawak na karagatan ng Pasipiko. May isang binata ang nakatakdang magaing Raja ng Lomlon. Siya si Mapulon, ang nag-iisang anak ni Raja Inodiongan. Sa murang edad, siya ay namulat at sinanay ng kanyang ama sa pakikipaglaban at pamumuno ng kanilang lupain habang ang kanyang ina na si Dayang Marikit ay nagsilbing guro sa kanyang pag-aaral ng Kasaysayan, Kultura at Panitikan.
Sa loob ng mahabang panahon, naging mapayapa ang kanilang pamumuhay. Naging maunlad ang takbo ng ekonomiya at may magandang ugnayang pampulitika, kultural at pang-ekonomiya sa iba’t ibang barangay sa mga kalapit na pulo.
Isang araw, tatlong Karakoa ang dumating mula sa kanluran. Lulan nito ang animnapung mangangayaw sa pamumuno ni Datu Sitan mula sa Barangay ng Hesperia na pinamumunuan rin ng isang Raja. Dala nito ang mga makabagong armas na kayang magpabagsak ng isang barangay ng madalian.
Sa umpisa, maganda ang pikikitungo ng mga dayo kay Raja Inodiongan. Ang dalawang pinuno ay nagsagawa pa nga ng Sanduguan upang pagtibayin ang alyansang binubuo. Subalit, lingid sa kaalaman ng Raja, iba pala ang layunin ng pagparoon ni Datu Sitan. Habang mahimbing na natutulog ang mga tao, palihim na pumasok ang lima sa mga alagad ni Datu Sitan sa palasyo ng Raja. Ginapos ng mga alagad ni Datu Sitan ang Raja kasama na si Dayang Markit at Mapulon, na sa panahong iyon ay wala pa sa sapat na gulang pupang lumaban, at kinaladkad palabas ng palasyo. Walang ng nagawa ang mga mandirigma ni Raja Inodiongan. Kinumbinsi ng Datu na isuko ng Raja ang kanyang Putong sa kanya at pumasailalim sa impluwensya ng Hesperia. Hindi pumayag si Raja Inodiongan kaya kinuha ni Datu Sitan ang kanyang kampilan at pinatay ang Raja. Kinuha ni Datu Sitan ang pamunuan ng Rajanato habang ang pamilya ni Inodiongan ay nawala sa kapangyarihan at ibinaba ang katayuan sa lipunan at ginawang Timawa. Matapos ang pagkubkob ni Datu Sitan sa Tablas, ay nagtungo naman sila ng kaniyang mga mangangayaw sa iba pang karatig pulo at barangay upang mangayaw.
Sa loob ng dalawampung taon matapos mamatay si Raja Inodiongan, si Mapulon na noo’y isang Ginoo ay namuhay bilang isang Timawa. Nasaksihan ni Mapulon ang mga pagbabago sa kanilang Barangay at mga pagpapahirap at pang-aabuso ni Datu Sitan sa kanilang dating nasasakupan. Humina ang komersyo at nawala ang dating makulay na kultura at tradisyon.
Isang araw, nagpasya si Mapulon na pansamantalang lisanin ang kanilang barangay upang mag-aral. Nagtungo sya sa Hesperia ay doon ay nakipagsapalaran. Namulat ang kanyang kaisipan sa mga bagong ideolohiyang panlipunan tulad ng demokrasya at kapitalismo. Habang siya ay nasa Hesperia, nagtatag siya ng isang samahan kasama si Apolaki, isang maharlika mula sa karatig na barangay. Ang samahang ito na itnawag na Pintados na binubuo ng mga timawa at mga maharlika. Sa loob ng tatlong taon, pinalakas nila ang kanilang samahan at palihim na pinalaganap ang kaisipang nasyonalismo sa kanilang barangay sa pamamagitan ng isang pahayagan. Ang mga mamamayan ng kanilang barangay ay unti-unting namulat sa mga demokratikong uri ng pamumuhay at nagsimulang lumaganap ang damdaming makabayan.
Makalipas ang ilan pang mga taon ay muling bumalik si Mapulon sa Lomlon at nagpatuloy sa hangarin nitong pagbabago. Hindi nagustuhan ng mga nasa katungkulan ang ginagawang panghihimok ni Mapulon sa kanyang mga kababayan na pagbabago kaya pinadakip sya ni Datu Sitan.
Habang nakapiit sa kulungan, nagkaroon naman ng malubhang sakit ang kanyang ina na si Marikit na sa panahong iyon ay matanda na. Isang araw, habang kinakastigo si Mapulon ng mga alagad ni Datu Sitan ay hinuli rin si Apolaki dahil sa pakikipagsabwatan. Dahil sa isang maharlika si Apolaki ay agad rin itong nakalaya. Nang mabalitaan ni Apolaki ang lakagayan ng ina ni Mapulon ay agad itong nagtungo sa tahanan nito upang makibalita. Sa kasamaang palad, hindi na ito inabot ni Apolaki. Ibinalita niya ang sinapit ng Marikit kay Mapulon. Sa labis na hinagpis, napagpasyahan ni Mapulon na kailangan na nila ng pagbabago. Kailangan na nilang malakaya sa pamumuno ng Hesperia.
Dumaan ang ilang linggo at sa pamamagitan ng palihim na pikikipag-ugnayan ni Mapulon kay Apolaki, nagtatag sila ng isang lihim na samahan na naglalayon ng kalayaan laban sa mga mananakop. Kinilala ang samahang ito bilang Amihan, ipinangalan sa kanilang diyosa ng hangin, na naghihikayat ng mga tao na umanib sa pinaplanong rebolusyon.
Isang gabi, itinakas ng isang kasapi ng samahan si Mapulon at dinala sa kanilang lihim na kuta. Nagpalipas ng gabi si Mapulon at sa pagputok ng liwanag ay nagsimula na silang isakatuparan ang kanilang hangarin. Naglibot ang Amihan sa Tablas upang makahikayat sila ng mga bagong kasapi at mga sandata.
Nagkaroon ng pagpupulong sa pamumuno ni Apolaki at napagpasyahan sa pagpupulong na ito na kailangan nilang magtatag ng bagong barangay na may pamahalaang demokratiko. Sinangayunan ito ni Mapulon at nagkaroon ng halalan.
Bilang anak ng dating Raja at orihinal na tagapagmana ng Putong ng Barangay ay naihalal bilang Pangulo ng bagong tatag rebolusyonaryong republika si Mapulon at tinawag nilang itong Republika ng Diwang Malaya.
Dahil pagkakatatag ng rebolusyonaryong republika, naging banta ito sa pamahalaan ng Hesperia kaya inatasan ni Datu Sitan ang paglupig sa mga rebolusyonaryo at nagsimula ang digmaan.
Nilusob ng palihim ni Mapulon kasama ng limampung pinakamagagaling na mandirigma sa kanilang sandatahang lakas. Walang kamalay-malay, ang mga bantay ng palasyo ay tahimik na nagpapahinga sa mga lagusan. Napatumba ng mga mandirigma ni Mapulon ang lahat ng bantay sa palasyo habang siya ay tahimik na pumasok sa silid ni Datu Sitan na sa panahong iyon ay mahimbing na natutulog.
Nagising si Datu Sitan sa pagkakatulog at dito nakita niya si Mapulon na nakatayo sa kanyang harapan, hawak ang kampilan na ginamit nito sa pagpatay kay Raja Inodiongan. Pinaalala ni Mapulon ang mga huling sandali ng kanyang ama habang nakatutok ang patulis ng kampilan sa datu. Nanglaban si Datu Sitan ang nagkaroon ng duwelo sa pagitan ng dalawa.
Dahil sa murang edad pa lang ay sinasanay na sya ng kanyang ama sa pakikipaglaban, madaling napatumba ni Mapulon si Datu Sitan at binigyan ng pagkakataon na sumuko na. Hindi ito pumayag at sa halip ay nagpatuloy sa pakikipaglaban. Dumating si Apolaki sa kinaroronan ng dalawa at tinulungan nito si Mapulon. Nang mapuruhan na si Datu Sitan ay muling hiningi ni Mapulon ang Putong sa kanya. Subalit hindi pa rin ito nagpaubaya kaya tuluyan nang kinitilan ng buhay ni Mapulon ang dayong kumitil sa kanyang ama at nagpahirap sa mga kabarangay nito.
Sa pagkamatay ni Datu Sitan, ay tuluyan na ngang naging malaya sa impluwensya ng Hesperia ang bagong tatag na Barangay. Malayo sa dati nitong anyo na monarkiya, naging demokratiko ang uri ng pamamahala. Tinalikuran ang paghahat-hati ng mga mamamayan ayon sa estado sa lipunan at tuluyang niyakap ang kapitalismo.
No comments:
Post a Comment