Ang kasaysayan ay hindi tsimis. Subalit ang mga nilalaman nito ay maaaring naaapektohan ng mga personal bias. Kadalasan, laging nakabatay sa mga opinyon, karanasan, punto de vista, at paniniwala ng mga taong sumusulat nito. Dumaan man sa masalimuot at komprehensibong fact-checking ang ano mang bersyong nailalathala ng mga historyador hindi natin maikakaila na kadalasan ang bersyong kanilang ipinakikita lamang ay mula iisang angulo nito. Maaaring sa mga natalo, o hindi naman kaya ay mula sa mga nagwagi.
Sa mahabang panahon, naniwala tayo na “si Fernando de Magllanes ang naka diskubre ng Pilipinas” o di naman kaya “si Juan Sebastian Elcano, kasama ang mga natitirang tripolante ng Ekspidisyon ni Magallanes, ang mga unang tao na nakaikot sa mundo”. Subalit, tunay nga bang ito ang kasaysayan o marahil ito ang isinasaad sa bersyon ng kasaysayan na ating natutunan sa mga paaralan?
Sa kasalukuyan, may mga nagaganap na pagwawasto sa kasaysayan. Kasaysayan na isinulat ng mga nasa kapangyarihan, may kapangkarihan, at impluwensya sa lipunan. Tinatawag nila itong “Rebisyonismong Pangkasaysayan o Historical Revisionism”. Ang paglalahad ng bagong angulo o bersyon ng kasaysayan na taliwas sa ating kinagisnang tama. Ayon nga sa pahayag ni Ambeth Ocampo sa isa sa kanyang mga talumpati. “Historical Revisionism aims for Truth, to revise for Falsehood is Historical Denialism”. Iniwawasto lamang nito ang mga maling aspekto ng kasaysayang isinulat ng mga taong ganid sa kinang ng katanyagan at kapangyarihan.
Ang kasaysayan ay maaaring mula sa Tsimis. Halimbawa nito ay si Jose E. Marco. Siya ay naging tanyag sa limang mga kasulatan na tumatalakay sa kasaysayan ng pre-colonial na Pilipinas at isa sa mga ito ay ang Kasaysayan ng Kodigo ni Raja Kalantiaw. Sa mahabang panahon ay naniwala tayo na ang mga ito ay tunay. Subalit ayon sa pag-aaral at pagsusuri ni W.H. Scott, na lahat ng manuskrito na ibinigay ni Marco ay sinadya at tikay na may pandaraya. Sa katunayan, tatlong dekada matapos mailathala ang mga puna ni Scott kay Marco ay idineklara noong 2004 ng National Historical Institute na ang Kodigo ni Kalantiaw ay isang huwad o “hoax”.
Walang masama sa pagpapakita ng ibang angulo o bersyon ng kasaysayan. Binubuksan lamang nito ang ating kamalayan sa mas malalim na pag-unawa ng nakaraan. Natututo tayong magtanong at mag-isip kung alin ba sa mga bersyong ito ang dapat nating paniwalaan at yakapin. Sa huli, ang kasaysayan ay kwento natin. Kwentong nakabatay sa mga karanasan, tagumapay man o kabiguan. Kwentong kapupulutan ng mga aral. Kwentong nagbibigay pagkakilanlan.
No comments:
Post a Comment