Thursday, August 26, 2021

TATSULOK: HISTORICAL BACKGROUND AND SOCIAL RELIVANCE

Sigurado ako na iilan lamang ang hindi alam ang awit na Tatsulok na pinasikat ni Bamboo noong 2007. Paano ba naman kasi, matagal rin itong nanguna sa mga music charts at tila nagging anthem pa ng mga kilos protesta.

Subalit, lingid sa kaalaman ng nakararami. Ang Tatsulok ay isa lamang cover song. Ito ay orihinal na inawit ng bandang Buklod noong 1991.  Isinulat ito ni Rom Dongeto noong 1989 na tumatalakay sa mga bata na nakatira sa Marag Valley sa Apayao nang magdiklara ng “Total War Policy” ng pamahalaan sa pamumuno ni dating pangulong Corazon Aquino laban sa New People’s Army o NPA, ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines. 

Kung babalikan natin unang mga linya na ”Totoy, bilisan mo, bilisan mo ang takbo / Ilagan mga bombang nakatutok sa ulo mo …” ito ay tumutukoy sa pagsasalaysay ng mga karanasan ng mga batang naipit sa labanan ng dalawang nagtutungaling pangkat.

Pero, san nangaling ang reference ng mga kulay sa linyang “hindi pula’t dilaw, tunay na magkalaban”?

Ang kulay pula ay para ikatawan ang NPA dahil sa ugnayan nito sa komunismo at dilaw para sa pamahalaan na noo’y pinamumunuan ni Pangulong Corazon Aquino. 

At sa huli, bakit Tatsulok ang pamagat ng awitin? Ito ay dahil sa ginawang batayan ng composer ang masalimuot na hindi pagkapantay na paghahati ng yaman sa bansa. Kung saan ang kapangyarihan at kayamanan ay nasa iilan, samantalang ang karamihan ay nasa laylayan at napagkakaitan ng hustisyang panlipunan.

Tatlumpong taon na ang nakalilipas subalit, sobrang napaka relivant pa rin ng awit na ito sa ating lipunan. Patuloy pa rin ang karahasan, nagkakawatak-watak pa rin ang mga mamamayan sa mga kulay dahil sa politika. Nagdeklara ng war on drugs ang pamahalaan, at karamihan sa mga napatay sa sinasabi nilang “extra judicial killings” ay mahihirap. Nang magsimula ang pandemya, marami sa mga nahuling violators ay mga ordinaryong tao samantalang ang mga taong nasa kapangyarihan ay tila ba dinaanan lamang ang issue at di man lang napagmulta. 

Tatsulok, noon, ngayon at sana hindi na sa  hinaharap.


No comments: