Ang Pagsuko
Tatlong araw akong hindi lumabas dahil sa notebook. Nakatitig lang ako rito, binubuklat, isinasara, binubuklat ulit. Wala nang ibang laman kundi ang unang pahina: Sir, hindi n’yo kailangang bumalik para patawarin ang sarili n’yo. Pero ang sumunod na linya ang hindi nagpatulog sa akin: Pero may iba pa po kayong hindi narinig.
Madaling basahin ang una, pero mahirap ang pangalawa, dahil doon bumalik ang mga tanong. Paano kung may naghintay sa akin, pero ako ang hindi dumating? Ang kalungkutang hindi tiyak ang pinakamatagal mambugbog sa isip.
Noong ikaapat na gabi, umulan ulit. Alas-tres kinse ng madaling-araw nang magising ako sa isang katahimikang parang may nakikinig. Umupo ako sa kama at tiningnan ko ang phone: 3:16 AM. Nagpalit ang oras. 3:17 AM.
Pero ngayon, hindi na ang boses ng isa pang Bryan ang narinig ko sa sala. Sa halip na harapin ko siya sa aking apartment at tanggapin na isa rin ako sa mga estudyanteng hindi ko pinakinggan, hindi ko kinaya ang bigat ng hindi tiyak na kasagutan. Tumayo ako, nagsuot ng damit, at lumabas sa gitna ng ambon.
Bumalik ako sa paaralan.
Bukas ang gate, parang hinihintay ako. Naglakad ako sa hallway hanggang marating ko ang silid. Pumasok ako sa madilim na classroom, sinalubong ng pamilyar na amoy ng chalk, pawis, floor wax, at basang payong. Wala na akong naramdamang takot, ang meron lang ay ang matinding bigat ng mga pangalang hindi ko maalala.
Pagkaraan ng ilang sandali, narinig ko ang kumakatok sa pinto. Tok. Tok. Tok. Tatlong beses.
Alam ko ang babala ng aking sarili sa nakaraan. Hindi lahat ng pagsagot, malasakit. Minsan, pagsuko. Pero tuluyan nang nilamon ng aking konsensya ang pagnanais kong iligtas ang aking sarili. Higit na malakas ang boses na nagsasabing kailangan kong mamatay sa tungkulin para matawag na mabuti, magturo hanggang wala nang natira.
Sa ilalim ng sahig, sa likod ng pisara, narinig ko ang boses ng bata. Mahina. Malapit.
“Pagod ka na ba?”
Hindi na ako huminga. Tumulo ang luha sa pisngi ko. Wala na akong mapagpilian kundi ang sumagot at aminin ang totoo. "Oo," sabi ko.
Sa sandaling iyon, ang malamig na hangin ng silid ay yumakap sa akin. Tuluyan akong naging isa sa mga posibilidad na iniwan, isang guro na hindi na kailanman makakabalik sa sarili niya.
Kinaumagahan, wala nang Bryan Anthony dela Austria sa apartment. Wala nang taong susubukan na kilalanin ang sarili niya.
Ang naiwan lamang sa kanyang mesa ay ang notebook na MGA HINDI KO NASABI, basang-basa ang gilid. Wala itong nakasulat na pangalan niya. Wala rin itong unang linya ng kwento na nagsasabing matagal na siyang nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng iba.
Sa halip, pagbukas ng notebook, ang buong pahina ay puno ng iisang pangungusap, na paulit-ulit na nakasulat hanggang mapuno ang papel:
Sir, nakita ninyo po ba ako?
At sa eskwelahan na naiwan, sa likod ng bintana ng faculty room, may lumitaw na isang lalaking nakatayo. Naka-polo. May ID lace. Wala nang lalakeng naghahanap sa kanyang pagkatao, ang natira na lamang ay ang walang-hanggang multo ni "Sir Bryan," nakayuko, at nagbabasa ng papel habambuhay.
No comments:
Post a Comment